Inaresto ang isang 32 taong gulang na babae ng Taguig City Police makaraang mahulihan ito ng isang M16 na riple at iba pang mga armas sa kanyang bahay sa Barangay Hagonoy, Taguig City noong Disyembre 22, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Taguig City Police)

Bukod dito, ang babaeng kinilala lamang sa alyas na Jessica ay sinasabing nagpatakas sa kanyang live-in partner na wanted sa kasong pagpatay.

Ang tunay na target ng pulisya ay si alyas Marvin at ang kasama nitong si alyas Margarito na kapwa may warrant of arrest sa kasong pagpatay na ipinalabas ni Judge Mariam Bien ng Taguig Regional Trial Court Branch 153.

Sinabi ng Taguig City Police na sa kanilang isinagawang operasyon, hinarangan sila ni Jessica dahilan upang makatakas si Marvin.


Nakuha sa tinutuluyan ng dalawa sa Barangay Hagonoy, Taguig City ang isang Bushmaster M16 5.56mm rifle (na isang assault rifle), isang .45-caliber 1911 A1-FS pistol, sampung piraso ng 5.56mm na bala, isang magazine para sa 5.56mm ammunition, isang .45-caliber magazine, tatlong piraso ng .45- caliber na bala at isang rifle bag. 

Walang naipakitang legal na dokumento si Jessica kaugnay ng mga armas na nasa kanyang bahay kung kaya't inaresto ito ng mga otoridad.

Sasampahan si Jessica ng paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms and ammunition) at obstruction of justice sa Taguig City Prosecutor's Office.