Hindi muna mangongolekta ng toll fees sa loob ng 30 araw ang Cavitex sa lahat ng mga sasakyang dadaan sa bagong Manila - Cavite Expressway (Cavitex C5 Link Sucat Interchange) sa Taguig, Parañaque, Las Piñas, Bacoor at Kawit.
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr na panukala ito ng Philippine Reclamation Authority (PRA), ang operator ng Cavitex, para makatulong sa mga motorista na maibsan ang bigat ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Pinangunahan ni Marcos ang inagurasyon ng Cavitex C5 Link Sucat Interchange at ang groundbreaking ceremony para sa Cavitex-Calax link at Cavitex C5 Link Segment 3B.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na pagkakataon din ito para makilala ng mga mamamayan ang daan.
"This will introduce our new roads and expressways to those who are in need of that transport system. I now call upon the Toll Regulatory Board to ensure its immediate implementation for the benefit of the riding and transport public," ayon sa Pangulo.
Nagsimula ang 30 araw na walang bayad sa bagong binuksang Cavitex C5 Link Sucat Interchange kagabi ng alas 6:00, Hunyo 21, 2024.
Ayon kay Marcos, ang Cavitex C5 Link Sucat Interchange ay magbibigay ng kaginhawaan sa mga motorista dahil aabot lang ng 5 minuto ang pagbiyahe mula Cavitex R1 hanggang Sucat, Parañaque, kumpara sa 1 oras sa mga kasalukuyang daan dito.
Ang Cavitex C5 Link Expressway Segment 3B naman ay inaasahang makakabawas sa pagba-biyahe mula Cavitex R1 hanggang SLEX / C5 Road mula 40 minuto tungo sa 10 minuto na lamang.
Pinuri ni Marcos ang pagtutulong tulong dito ng
PRA, Cavitex Infrastructure Corporation, Metro Pacific Tollways Corporation, at lahat ng may kinalaman sa konstruksyon nito.
"With all of these, we are creating a nation where Filipinos may easily access and traverse our communities, and have a comfortable and productive time as they do it," pagtatapos ni Marcos.
(Mga larawan/screenshots mula sa Presidential Communications Office website)
Bagong Cavitex C5 Link Sucat Interchange, Hindi Maniningil ng Toll Fees sa Loob ng 30 Araw | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: