Isang bagong limang palapag na gusali ang binuksan sa Barangay Upper Bicutan noong Abril 30, 2024 bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-437 anibersaryo ng pagkakatatag ng Taguig City.

News Image #1


Ang bagong gusali na nasa Purok 2 Barangay Upper Bicutan, ay may mga opisina ng pamahalaang lungsod ng Taguig na tutugon sa pangangailangan ng mga Taguigeño.

Ang unang palapag nito ang kinaroroonan ng Barangay Affairs Office, City Social Welfare and Development, opisina ng Senior Citizens Affairs, Person with Disabilities Affairs, Taguig City Police Station, at ang Child Development Center.

News Image #2


Nasa ikalawang palapag naman ang mga opisina ng barangay at Sangguniang Kabataan.

Sa ikatlong palapag matatagpuan ang e-library. Nandoon don ang opisina ng Taguig City Integrated Service System.

Sa ika-apat na palapag naman ang Training Plaza na maaaring gamitin sa training at seminar ng komunidad. Maaari rin itong gamiting evacuation area sakaling magkaroon ng sakuna o emergency.

Ang ika-limang palapag naman ang kinaroroonan ng Playing Court para sa mga atletang nais magsanay.

News Image #3


Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang inagurasyon ng bagong gusali.

"Sa anumang pagawaing bayan na ating pinapasinayaan, we dedicate this po sa Panginoon; na una sa lahat, ma-serve ng gusaling ito ang purpose Niya para sa community. Pangalawa, anumang gusali - gaano man kaganda, anumang kagamitan - gaano man kabago, nakasalalay pa rin po iyan sa mga nag-oopisina po rito," ayon sa alkalde.

(Larawan mula sa Taguig PIO)