Isang bagong pitong palapag na multi-purpose na gusali ang pinasinayaan sa Barangay Bagumbayan, Taguig City noong Disyembre 23, 2024.

News Image #1


Ang gusali ay mayroong Barangay Health Center sa unang palapag na kumpleto sa examination room, dental clinic, minor surgical room, at breastfeeding room.

News Image #2


May tanggapan naman ang Taguig City Police Station at Bureau of Fire Protection sa una at ikalawang palapag.

Sa ikatlong palapag ang opisina ng barangay secretary, treasurer, lupong tagapamayapa, barangay staff, Violence Against Women and Children (VAWC) desk, at ang opisina na naghahawak ng barangay permits at clearances, kasama rin ang electrical at CCTV rooms.

Sa ika-apat na palapag nakalagay ang mga opisina ng Barangay Captain, Administrator, Kagawad, at Sangguniang Kabataan, gayundin ang conference room at session hall para sa mga opisyal ng barangay at mga residente.

Sa ika-limang palapag naman ang satellite office ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig kung saan naroon ang Barangay Affairs Office (BAO), Taguig City Integrated Survey System (TCISS), City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Persons with Disability Affairs Office (PDAO), at Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA).

Mayroon ding e-library sa naturang palapag na kung saan libreng makakagamit ang mga Taguigeno ng computer (16) para sa pag-aaral at propesyonal na pangangailangan.

News Image #3


Ang ika-anim at ika-pitong palapag naman ay mayroong training spaces, dagdag na opisina, at conference rooms. Bawat palapag din ay mayroong mga palikuran para sa babae at lalaki at mayroon din para sa mga persons with disabilities (PWD).

Pinangunahan nina Taguig Mayor Lani Cayetano, Senador Alan Peter Cayetano, Vice Mayor Arvin Ian Alit, at 1st District Representative Ricardo "Ading" Cruz Jr. ang seremonya ng pagpuputol ng ribbon, na sinundan naman ng pagbabasbas ng par isa gusali.

News Image #4


Layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig na mailapit sa mga taga-Barangay Bagumbayan ang serbisyo ng lokal na pamahalaan, dahilan kung bakit itinayo ang naturang multi-purpose building.

"Ang building ay mahalaga pero ang pinakaimportante ay ang mas mapadali at mapabilis natin ang pag-aabot ng mga services na ating ibinibigay. Hinihiling ko po sa bawat isa sa inyo na gawin po nating mas kaiga-igaya ang karanasan ng bawat kababayan nating papasok sa establisyimentong ito upang lalabas silang nakangiti dahil nakapagbigay tayo ng mahusay na serbisyo," ang pahayag ng alkalde.

Sinabi naman ni Senador Cayetano na mahalaga ang tungkulin ng pampublikong imprastraktura sa pagsusulong ng pagpapalakas ng kooperasyon sa komunidad.

"It's such a joy to see this building: may clinic para sa mga may sakit, may offices para sa mga papeles na aasikasuhin, at may pulis at bumbero na matatakbuhan para humingi ng tulong. Kapag mas napaganda pa natin nang husto itong katabing sports complex, we can make this a place where families come together for a stronger community life," ayon kay Senador Cayetano.

Sinimulan ang pagtatayo ng gusali noong 2020 at ito ay pinondohan ng Tanggapan ni Senador Cayetano sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

(Mga larawan mula sa Taguig PIO)