Sa kasalukuyan ay mayroon na itong nagagamit na convention center na kayang maglaman ng 600 katao. Noong Enero ng taong ito ay doon din isinagawa ang kanilang Business One Stop Shop (BOSS) para sa nag-apply at nag-renew ng business permit.
Hindi ito natapos agad sa target date noong 2021 dahil sa pandemya. Sa kasalukuyan, ang mga may transaksyon sa city hall ng Taguig ay nagpupunta sa lumang city hall sa may Barangay Tuktukan.
Sinimulan ang paggawa ng bagong city hall ng Taguig sa pamamagitan ng groundbreaking ceremony sa Barangay Ususan noong Hunyo 25, 2019. Ang pagtatayo ay pinamamahalaan nina Architect Dan Lichauco, Architect Dennis Guran at Engr. Art Santos .
Ang bagong city hall ay magiging elegante at mahusay na lugar para sa serbisyo publiko, at magpapakita rin ng patuloy na pag-unlad ng probinsyudad sa ekonomiya, lipunan at industriya.
Ang unang apat na palapag ay tila "glass cube" kung saan naroon ang city convention center. Sa lobby naman ng ika-apat na palapag, mayroong charging center para sa mga mobile devices habang naghihintay ang mga taong may transaksyon sa city hall. Ang iba pang mga palapag ay ookupahan ng iba pang mga opisina ng Taguig City kung saan mayroong atrium para papasok ang liwanag ng araw.
Ang ika-labindalawa hanggang labinglimang palapag ay ang magiging opisina ng alkalde ng Taguig at hinalaw ang arkitektura sa "bahay na bato." Isang rectangular glassbox ito na may stainless na bintana na ang frame ay iilawan sa gabi.
Bukod sa atrium na may mobile device charging, maaasahan din ng mga Taguigeños ang isang green parking podium na kayang maglaman ng 300 sasakyan at 200 motorsiklo, roof deck na may garden, assembly hall, food court, jogging path at teatro.
Sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na ang gusaling ito ang sasalamin sa mahusay at matapat na pamamahala ng kanilang probinsyudad.
Sa kasalukuyan, ang Office of the Mayor at iba pang pangunahing opisina ng Taguig City Hall ay nasa Barangay Tuktukan pa rin. Ang gusaling ito ay naitayo naman noong 1959 at tatlong beses nang inayos.
(Photos from Taguig PIO)
(Video support from Hermie Padilla and Taguig PIO)
(Editing by Vera Victoria)