Inaasahang magiging tropical storm ang tropical depression na si Aghon ngayong Linggo ng umaga at magla-landfall sa ilang bahagi ng Quezon Province, batay sa pagtataya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

News Image #1


Ang bagyong Aghon ay may hanging nasa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong nasa 75 kilometro kada oras habang kumikilos patungong hilaga-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Inaasahang magdadala ito ng 100 hanggang 200 milimetro ng tubig-ulan sa probinsiya ng Quezon, kabilang na ang Polillo Islands, at gayundin sa Camarines Norte, Camarines Sur at Catanduanes.

Nasa 50 hanggang 100 milimetro naman ng ulan ang ibabagsak nito sa Aurora Province at sa nalalabing bahagi ng Bicol Region at ang silangang bahagi ng Isabela, Laguna at Rizal, kabilang na ang Taguig City.

Nakataas na ang Signal Number 1 sa silangang bahagi ng Metro Manila, Bulacan, Aurora, silangang bahagi ng Nueva Ecija, Quezon at Pollilo Islands, Romblon, Marinduque, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, mga bahagi ng Batangas, Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate kasama ang Ticao at Burias Islands. Nakataas din ang signal number 1 sa Northern Samar at Samar.

Sinabi ng PAGASA na sa hapon o gabi ng Linggo, Mayo 26, ay magtutungo ito sa hilaga-silangan at muling lalakas. Posibleng pumasok ito sa kategoryang typhoon sa gabi ng Martes o sa umaga ng Miyerkules habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility sa Martes.

Sa kasalukuyan ay may 6, 554 na mga pasahero ang hindi maka-biyahe at nasa mga daungan ng sasakyang pandagat makaraang suspindihin ng mga otoridad ang pagba-biyahe sa dagat o ilog.

Labingsiyam na domestic flights naman ang nakansela dahil sa masamang panahon.

(Larawan mula sa PAGASA)