Isa nang severe tropical storm ang bagyong Carina (international name: Gaemi) habang hindi ito halos gumagalaw sa kinaroroonan nito malapit sa Casiguran, Aurora.

News Image #1

(Larawan mula sa PAGASA)

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), magbibigay ng malakas na pag-ulan ang bagyong Carina na tinutulungan pa ng Habagat (southwest monsoon) sa malaking bahagi ng Luzon.

May dala itong hanging nasa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 115 kilometro kada oras.

Malakas ang mga pag-ulan hanggang ngayong Lunes ng gabi, Hulyo 22, 2024, sa hilaga-silangang bahagi ng Cagayan (100 - 200 mm. nap ag-ulan), Babuyan Islands at sa silangang bahagi ng Cagayan at Isabela (50-100 mm.)

Mula Hulyo 22 hanggang 23 ng gabi naman ay malakas ang pag-ulan sa Babuyan Islands at sa Cagayan.

Patuloy rin ang magiging pag-ulan sa Taguig City at sa iba pang bahagi ng Metro Manila sa mga susunod na araw.

News Image #2

(Screenshot mula sa weather.com)

Ang habagat ay palalakasin ng bagyong Carina at magbibigay ng matinding pag-ulan sa iba't ibang lugar sa kanlurang bahagi ng Luzon hanggang sa Miyerkules. Gayundin, uulanin ang Northern Samar at Western Visayas.
Pinayuhan naman ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot habang nasa bansa ang bagyong Carina at pinalalakas ang Habagat.

Ang bagyong Carina ay kikilos patungong hilaga - hilagang kanluran hanggang sa Martes, bago ito pangtutungo sa hilagang kanluran sa Miyerkules. Tinatayang lalabas ito ng bansa sa Miyerkules ng gabi o Huwebes ng umaga, Hulyo 25. Magtutungo ito sa East China Sea.