Lumakas pa ang bagyong Carina (international name: Gaemi) habang patungo ito sa hilaga-kanluran ng karagatan ng Pilipinas.

News Image #1


Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administraion (PAGASA) kagabi (Hulyo 22, 2024) ng alas 10:00, ang sentro ng bagyong Carina ay nasa 375 kilometro silangan-hilaga-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

May dala itong hangin na 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso ng 160 kilometro kada oras.

Kumikilos ito patungong hilaga-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras. Ang malakas na hanging dala ng bagyo ay may lawak na 560 kilometro mula sa gitna.

News Image #2


Pinalalakas din ng bagyo ang habagat dahilan upang magtuloy-tuloy ang malakas na ulan sa Luzon at Visayas.

Nakataas na ang Signal Number 1 sa Batanes, Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, Apayao, Ilocos Norte, Aurora, at Catanduanes.

Inaasahang magpapatuloy ang malakas na pag-ulan hanggang Miyerkules bunga ng habagat sa Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Zambales, Bataan at Aurora. Apektado rin ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Negros Occidental at Northern Samar.

Tinatayang magla-landfall ang bagyong Carina sa Taiwan sa Miyerkules (Hulyo 24) ng gabi o Huwebes (Hulyo 25) ng umaga.

(Mga larawan mula sa PAGASA)