Inaasahang papasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) bukas ng hapon o gabi at lalabas din agad ng PAR sa Sabado ng umaga ang bagyong Ferdie na ang international name ay Bebinca.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na sa susunod na 24 na oras ay lalakas bilang isang matinding bagyo (severe tropical storm) si Ferdie.
(Larawan ng PAGASA)
Batay sa huling monitoring ng PAGASA, si Bebinca o Ferdie ay nasa 1,975 kilometers silangan ng Gitnang Luson, sa labas pa ng PAR, na ang lakas ng hangin ay 95 kilometero kada oras na may pagbugsong 115 kilometro kada oras.
Maliit ang tsansang babagsak ito sa lupa subalit palalakasin nito ang Habagat. Nararanasan na ngayon ng Silangang Visayas, Bicol at Caraga ang pagsusungit ng panahon. Maaapektuhan din ng pag-ulan ang Metro Manila, Gitnang Luson, Calabarzon, at Mimaropa. Inaasahan din ang malakas na ulan sa hilaga at kanlurang bahagi ng Mindanao.
Ipinaalala naman ng Department of Agriculture sa mga magsasaka na anihin na ang mga produktong maaari nang anihin at ang mga reserbang buto ay kailangang maitago na ng mabuti. Ipinaalala rin na iakyat na sa matataas na lugar ang kanilang mga gamit sa pagsasaka, kasama ang mga hayop.
Kailangan din anilang may nakaimbak na pagkain at tubig ang mga inilipat na mga hayop at ang mga irigasyon at sakahan ay kailangang matanggalan ng mga harang.
Bagyong Ferdie, Papasok sa Philippine Area of Responsibility Bukas, Setyembre 13, 2024; Uulanin na ang Metro Manila at Ibang Bahagi ng Bansa Simula Ngayong Setyembre 12 | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: