Paalis na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Gener ngayong Miyerkules ng umaga, Setyembre 18, 2024, subalit makakaranas pa rin ang ilang bahagi ng bansa ng malakas na ulan sa susunod na 24 oras dahil sa Habagat.

News Image #1


Pumasok naman sa PAR ang bagyong Helen (international name: Pulasan) kagabi, Setyembre 17. Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo ay nasa 1,290 kilometro sa silangan ng dulo ng Hilagang Luzon.

Ang lakas ng hangin nito ay nasa 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong umabot sa 105 kilometro kada oras. Kumikilosi to pakanluran sa bilis na 40 kilometro kada oras. Ang malakas na hangin nito ay umaabot sa may 650 kilometro mula sa gitna.

News Image #2


Lalong palalakasin ni Helen ang Habagat sa tulong ng bagyong Gener. Kabilang sa apektado ng malakas na pag-ulan ngayong Miyerkules ay ang mga sumusunod:
• Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, and Mindanao.

Sa Huwebes naman, Setyembre 19, ang apektado ng malakas na pag-ulan ay ang mga sumusunod:
• Isabela, Aurora, Pangasinan, Zambales, Bataan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, and Western Visayas

Inaasahang lalabas ang bagyong Helen ng PAR ngayon ding hapon at kikilos patungong kanluran-hilagang kanluran. Hindi ito tatama sa lupa, ayon sa PAGASA.

(Mga larawan mula sa PAGASA)