Napanatili ng Bagyong Kong-Rey ang lakas nito habang kumikilos sa kanluran hilaga-kanluran ng Philippine Sea.

News Image #1


Sa monitoring ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kagabi ng alas 10:00, ang bagyong Kong-Rey na tatawaging Leon kapag pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay nasa 1,980 kilometro silangan ng Gitnang Luzon o 1,780 kilometro silangan ng Katimugang Luzon. Nasa labas pa ito ng PAR (15.5°N, 140.6°E).

News Image #2


Dala nito ang hanging may lakas na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro kada oras.

Kasalukuyan itong kumikilos pakanluran hilaga kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.


News Image #3


Ang malakas na hangin nito ay aabot sa 600 kilometro mula sa gitna.

Papasok ang bagyong Leon sa PAR ngayong Oktubre 26 ng gabi o sa Oktubre 27 ng umaga.

Magtutungo ang bagyo sa hilaga-kanluran sa Martes, Oktubre 29 at pahilaga naman sa Miyerkules, Oktubre 30 sa Philippine Sea.

Ayon sa PAGASA, malayo sa kalupaan ang bagyong Leon, subalit maaari pa ring magbago ang paggalaw nito.

Ang tropical cyclone na ito ay inaasahang unti-unting lalakas at maaaring marating ang kategoryang severe tropical storm sa Linggo.

Maaapektuhan ng pag-ulan ang tuktok ng Northern Luzon.

Maaari namang ulanin din ang Katimugang Luzon, Visayas at Mindanao sa mga susunod na araw dahil sa impluwensya ng
Southwesterly Windflow na naapektuhan naman ng Bagyong Kristine.

Samantala ang Bagyong Kristine ay umalis na sa bansa kahapon ng bandang alas dos, Oktubre 25, 2024.

Tinatayang babagsak ito sa kalupaan ng Central Vietnam bago ito babalik pa-silangan.

Sa pagbabalik, hihina na ito.

(Mga larawan ng PAGASA)