Napanatili ng isang bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang lakas nito habang mabilis na kumikilos patungong hilaga kanluran ng Pilipinas.
Sa pinakahuling pagmomonitor ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa naturang Tropical Depression kagabi ng 10:00, Nobyembre 3, 2024, ang sentro nito ay nasa 1, 065 kilometro sa silangan ng Eastern Visayas o nasa labas pa ng PAR (11.1°N, 135.5°E).
May dala itong hanging 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras, at may central pressure na 1004 hPa.
Kumikilos ito sa bilis na 45 kilometro kada oras sa hilaga-kanluran, at ang malakas na hangin nito ay umaabot sa distansyang 380 kilometro mula sa gitna.
Posibleng pumasok na ang bagyo sa PAR ngayong Nobyembre 4, 2024 at tatawagin sa pangalang Marce. Ang pagkilos nito patungong hilaga-kanluran ay magpapatuloy hanggang Martes, Nobyembre 5, 2024, bago ito babagal at kikilos pakanluran.
Mula Miyerkules, Nobyembre 6, 2024, hanggang sa huling panahon ng forecast, ang bagyo ay kikilos ng hilaga - hilagang kanluran, at pakanluran sa may Philippine Sea sa pinakatuktok ng Northern Luzon.
Dalawa ang maaaring mangyari - ang bagyo ay kikilos pakanluran tungong tuktok ng Northern Luzon o sa mainland Luzon, o ang bagyo ay magiiba-iba ng direksyon sa ibabaw ng Philippine Sea sa tuktok ng Northern Luzon.
Habang kumikilos ang bagyong Marce sa may PAR, maaari nitong palakasin ang bugso ng northeasterly wind flow ngayong linggong ito. Magdadala ito ng malakas na ulan sa tuktok ng Northern Luzon at sa silangang bahagi ng Luzon simula ngayong Nobyembre 4 o sa Nobyembre 5.
Kung mag-landfall ito sa Northern Luzon, magkakaroon ng napakalakas na ulan sa Northern Luzon sa Huwebes, Nobyembre 7, 2024 o Biyernes, Nobyembre 8, 2024. Posibleng magkaroon ng mga pagbabaha at pagguho ng lupa sa naturang lugar.
Palalain din ng bagyo at northeasterly wind flow ang alon sa karagatan kaya't pinapayuhan ang mga manlalakbay at mangingisda na ipagpaliban muna ang paglalayag.
(Mga larawan mula sa PAGASA)
Bagyong Marce, Papasok na sa PAR ngayong Nobyembre 4, 2024; Palalakasin ang Northeasterly Wind Flow at Pauulanan ang Northern Luzon | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: