Pansamantalang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ofel, sa may hilaga-kanlurang bahagi ng PAR, ngayong hapon. Gayunman, babalik na naman ito sa PAR region makaraang dumaan sa karagatang nasa kanluran ng Batanes bukas, Nobyembre 16, 2024.

News Image #1


Sa kabila ng paglabas nito sa PAR ngayong hapon, nakataas pa rin ang mga wind signal ng bagyo sa tuktok ng Northern Luzon at magpapaulan at magdadala ng malakas na hangin mula sa Luzon Strait hanggang sa karagatan sa Silangan ng Taiwan, kung saan hihina ang bagyong Ofel at magiging low pressure area na lamang.

Kaninang alas 10:00 ng umaga, ang bagyong Ofel at nasa 215 kilometro sa hilaga kanluran ng Calayan, Cagayan o 195 kilometro sa kanluran ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang hanging nasa 110 kilometro kada oras at pagbugsong nasa 135 kilometro kada oras. Kumikilos ito ng 20 kilometro kada oras.

News Image #2


Nakataas ang Signal Number 2 sa Batanes. Ang Signal Number 1 naman ay nakataas sa hilagang bahagi ng Cagayan (Pamplona, Claveria, Abulug, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Ballesteros), Babuyan Islands, hilagang bahagi ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Calanasan) at ang hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Pagudpud, Adams, Bangui, Dumalneg, Burgos, Pasuquin, Vintar, Bacarra, Piddig, Carasi).

News Image #3


(Mga larawan ng PAGASA)