Ganap nang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kagabi (Nobyembre 14, 2024) ng alas 8:00 ang ika-anim na malakas na bagyo sa loob lamang ng halos isang buwan na ang direksyong tinatahak din ay sa Luzon.
Ito ay habang papahina ang bagyong Ofel habang dumadaan sa Babuyan Islands.
Isa nang severe tropical storm ang bagyong Pepito (international name: Man-yi) nang pumasok sa bansa, at ang sentro nito ay nasa 945 kilometro silangan ng Eastern Visayas kagabi ng alas 10:00.
Ang dala nitong hangin ay nasa 100 kilometro kada oras malapit sa gitna at ang pagbugso ay nasa 125 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 35 kilometro kada oras.
Itinaas na ang signal number 1 sa:
• Catanduanes
• silangang bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Garchitorena, Presentacion, San Jose, Lagonoy)
• silangang bahagi ng Albay (Rapu-Rapu, City of Tabaco, Malilipot, Santo Domingo, Bacacay, Legazpi City, Malinao, Manito, Tiwi)
• silangan at katimugang bahagi ng Sorsogon (Juban, City of Sorsogon, Barcelona, Bulusan, Magallanes, Gubat, Santa Magdalena, Casiguran, Bulan, Irosin, Matnog, Prieto Diaz)
• Northern Samar
• Hilagang bahagi ng Eastern Samar (San Policarpo, Arteche, Jipapad, Maslog, Dolores, Oras)
• Hilaga-silangang bahagi ng Samar (Matuguinao, San Jose de Buan)
Bagaman at hindi pa direktang nakakaapekto sa bansa ang bagyong Pepito, sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na lumilikha na rin ito ng ulan bukod pa sa dala ng bagyong Ofel na magpapaulan sa mga sumusunod:
Heavy to Intense (100-200 mm):
Batanes at Cagayan
Moderate to Heavy (50-100 mm):
Ilocos Norte, Apayao, at Abra
Dahil sa high pressure area sa katimugan ng Japan, ang bagyong Pepito ay kikilos pakanluran sa loob ng 24 na oras bago liliko sa kanluran hilagang kanluran patungo sa hilaga kanluran sa may Philippine Sea habang dumadaan ng napakalapit sa Eastern Visayas at Bicol Region.
Sinabi ng PAGASA na posibleng mag-landfall ang bagyong Pepito sa silangang baybayin ng Central Luzon ngayong katapusan ng linggo, posibleng sa Nobyembre 16 o 17. Maaari pa rin itong magbago at posibleng sa silangang bahagi ng Eastern Visayas naman mag-landfall.
Tinatayang magiging typhoon ang kategorya ng bagyong Pepito ngayong araw na ito at maaaring marating ang kategoryang super typhoon sa Sabado ng hapon o gabi.
(Mga larawan ng PAGASA)
Bagyong Pepito, Nakapasok sa Philippine Area of Responsibility; Bagyong Ofel, nasa Babuyan Islands | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: