Ang mga batang may problema sa batas ay siyam na taon nang kinakalinga sa Bahay Pag-Asa, isang alternatibong tahanan para sa mga ito.

Nagdiwang ng kanilang ika-9 na anibersaryo ng pagkakatatag ang Bahay Pag-Asa sa temang "Strengthening Bonds, Inspiring Change," noong Hulyo 13, 2024.

News Image #1


Itinatag noong 2015, ang naturang tuluyan ng mga "Children in Conflict with the Law (CICL) ay nagbibigay ng pagkalinga ng tila tunay na tahanan sa pamamagitan ng mga nagta-trabaho rito sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.

Binigyan ng parangal ang Resident of the Month, A Note of Kindness, Cleanest Dorm Award, at Employee of the Year ang mga katangi-tanging mga nanunuluyan at nagta-trabaho sa Bahay Pag-Asa. Nagpamalas din ng kanilang galing sa pag-awit at pagsayaw ang mga residente ng Bahay Pag-Asa.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na umaasa siyang magiging maganda ang kinabukasan ng mga bata, at pinasalamatan din ang mga staff ng Bahay Pag-Asa sa kanilang dedikasyon sa pagtulong sa pagpapabago ng buhay ng mga bata.

News Image #2


"Napakadami na yung kabataan na kinalinga ng Bahay Pag-Asa. Ang kaligayahan ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig ay ang makita na ang bawat bata na lumalabas mula sa pangangalaga ng Bahay Pag-Asa ay makahanap ng daang maayos, buhay na mas matagumpay at payapa tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap sa buhay," ayon kay Cayetano.

Sinabi pa ng alkalde na ang lahat ay may kapasidad upang magbago at magpapatuloy ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa pagbibigay ng oprotunidad sa mga nangangailangan nito.

(Mga larawan mula sa Taguig PIO)