Magtutungo ang Taguig Love Caravan sa EMBO (enlisted men's barrio) barangays para pagsilbihan ang mga taga-Barangay Post Proper Northside at Post Proper Southside ngayong Pebrero 3, Sabado.

News Image #1

News Image #2


Libreng konsultasyon sa doktor, laboratoryo at diagnostic services, pagpapabunot ng ngipin at iba pang dental services, gamot, gamit pangkalusugan tulad ng hearing aid at wheelchair, at mga gulay ang ibibigay sa isang araw na Taguig Love Caravan na magsisimula ng alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon.

Ang mga residente ng Barangay Post Proper Northside ay kailangang magparehistro ng alas 7:00 ng umaga sa Fort Bonifacio High School sa JP Rizal Extension, Barangay West Rembo, Taguig City para masimulan naman ang libreng konsultasyon at pagpapagamot ng alas 8:00 ng umaga.

Samantala, ang mga residente ng Barangay Post Proper Southside ay sisilbihan naman ng Taguig Love Caravan sa Palar Open Basketball Court, Group 3, Scorpion Street, Southside, Taguig City mula alas 8:00 ng umaga.

Ipinaalala ng Taguig Medical Assistance Office na ang sisilbihan lamang nila sa Pebrero 3 ay ang mga residente ng Barangay Post Proper Northside at Post Proper Southside.

News Image #3


Ang mga residente ng Barangay West Rembo ay pagsisilbihan ng Taguig Love Caravan sa Pebrero 10, 2024.

Kabilang sa mga libreng serbisyo sa Love Caravan ang konsultasyon sa doktor, diagnostics at laboratory tests tulad ng CBC, Urinalysis, Random Blood Sugar, blood typing, Chest X-ray at ECG.

Mayroon ding bakuna laban sa flu (quadrivalent) para sa mga senior citizen, buntis, mga maysakit o comorbidities at healthcare workers, bukod pa sa HPV vaccine para sa mga batang edad 9 hanggang 14, at routine vaccination para sa mga batang mababa sa limang taong gulang.

Ang mga buntis naman ay puwedeng magpa-prenatal checkup, pa-visual inspection na may aceting acid, at mabigyan ng mga pang-plano ng pamilya.

Namimigay rin ng maintenance medicines at prescription medicines ang botika na kasama ng Love Caravan, at mga libreng gulay para sa nutrisyon.

Maaari rin silang tulungan sa kanilang aplikasyon sa PhilHealth.

(Photos by Taguig PIO)