Bukas si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa pakikinig sa mga pangangailangan ng mga taga-EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays.

Ito ang tiniyak ni Cayetano sa kanyang pakikipagpulong sa mga barangay officials ng EMBO noong Enero 5, 2024 sa Lakeshore Hall sa Barangay Lower Bicutan.

News Image #1


Pangunahing layunin ng pagpupulong ang maayos na pagsasanib at mas pinahusay na kolaborasyon ng pamahalaang lungsod ng Taguig at ng EMBO barangays makaraang mailipat ang hurisdiksyon ng EMBO sa Taguig batay sa desisyon ng Korte Suprema.

"As we go along, ang commitment po namin sa inyo ay sisikapin kong maging bukas sa pakikinig sa inyo at sana rin po kayo rin po ay maging very welcoming sa mga ilalatag din pong programa ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig dahil tayo po ay mga lingkod-bayan at ang mandato po sa atin ay maglingkod sa ating mga kababayan," ang pahayag ng alkalde.

Kasama ni Mayor Cayetano sina City Administrator Atty. Jose Luis Montales, at ang mga department heads na tumalakay sa mga ibinibigay na serbisyo sa mga nasasakupan ng Taguig, kasabay ng pagtugon sa mga nais linawin at inihayag na isyu ng mga barangay officials ng EMBO.

News Image #2


Dumalo rin sa pagpupulong si Senador Alan Peter Cayetano na binigyan ng importansiya ang komunikasyon para magkaunawaan sa kanilang magkaparehong layunin.

"We need to talk to set our priorities - serving God and serving the people," ayon kay Senador Cayetano.

News Image #3


Una rito ay isinara ang health centers sa 10 EMBO barangays batay sa desisyon ng Makati City. Sinundan ito ng pagpapasara ng dalawang fire station sa West Rembo at Comembo na nabuksan lamang muli nang mamagitan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

(Photos by Taguig PIO)