Isang lalaking nagyabang ng kanyang baril ang inaresto ng mga pulis sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig City noong Hulyo 28 ng gabi.

Bukod sa baril, nakumpiska pa ng Taguig Police ang mga bala at isang granada sa 38 taong gulang na si Datumama Kasim sa A. Reyes Street, Purok 3, Barangay New Lower Bicutan.

Isang ahente ng barangay information network (BIN) ang nagsumbong sa pulisya kaugnay ng pagyayabang ni Kasim sa kanyang baril na lumikha ng eskandalo sa kanilang lugar. Nang imbestigahan ng mga pulis, walang maipakitang mga dokumento si Kasim na magpapatunay ng lisensiya at permiso para sa kanyang armas.

News Image #1


Nakumpiska ng mga pulis ang isang .45-caliber pistol (Norinco) na may serial number na 519362 at may kargang bala, isang magazine na may 3 bala, at isang hand grenade na nasa loob ng itim na bag.

Inaresto si Kasim dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition, at Republic Act 9516 o illegal possession of explosives.

Nakakulong ngayon si Kasim sa custodial facility ng Taguig City Police Station habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso laban dito.

(Larawan mula sa Taguig Police)