Mayroon nang coin deposit machine ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Taguig City at ito ay matatagpuan sa SM Hypermarket sa FTI.

Sinabi ni BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat na malapit nang makamit ang P100 milyong halaga ng Philippine coins makaraang mailagay na nila ang unang batch ng unang 25 coin machines sa iba't ibang malls at supermarkets sa Metro Manila.

News Image #1


Magpapadala sila ng mas marami pang coin deposit machines sa mga lalawigan.

Ipinaalala lamang ni Romulo-Puyat sa mga mamamayan na iwasang magdeposito ng mga coins na naka-tape o nakaplastik. Bawal din ang paglalagay ng iba pang bagay bukod sa barya. Makakasira aniya sa makina kung ihuhulog gito ang mga butones, token, pako at iba pa.

Sa pagtatapos ng Setyembre, umabot na sa P98.8 milyon ang mga baryang naideposito sa mga makina.

Ang mga bagong inilagay na makina, bukod sa nasa SM Hypermarket sa FTI-Taguig ay matatagpuan sa: SM Megamall, Mandaluyong City; SM City Grand Central, Caloocan; SM City Marilao, Bulacan; SM City Taytay, Rizal; SM Southmall, Las Piñas City; SM City Sucat, Parañaque; SM City Calamba; SM City Marikina; SM City San Mateo, Rizal; SM City Valenzuela; Robinsons Place Metro East, Pasig City; Robinsons Place Novaliches, Quezon City (QC); Robinsons Place Antipolo, Rizal at Robinsons Place Magnolia, QC.

Una rito, naglagay na ang BSP ng coin machines sa Festival Mall, Muntinlupa City; SM Mall of Asia, Pasay City; SM City North EDSA, QC; SM City Fairview, QC; SM City San Lazaro, Manila; SM City Bicutan, Parañaque; SM City Bacoor, Cavite; Robinsons Place Ermita, Manila at Robinsons Place Galleria, Ortigas.

Noon namang Hunyo, naglagay ang BSP ng coin machines sa SM Mall of Asia at gayundin sa Robinsons Place Manila at Festival Mall in Alabang.

Ang mga ihuhulog na barya sa coin deposit machines ay ike-credit sa GCash o Maya electronic wallet ng maghuhulog. Puwede ring shopping voucher ang maging kapalit ng kanilang inihulog na barya.

(Photo by Bangko Sentral ng Pilipinas)