Itinaas ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang benefit packages nito para sa sakit sa puso ng hanggang 1,629%.

News Image #1

(Larawan ng Philippine Information Agency o PIA)

Sa ipinalabas na Circular 2024-0032 noong Disyembre 21, 2024 at isinapubliko noong Enero 2, 2025, sinabi ng PhilHealth na ang mga maoospital na Pilipinong miyembro ng Philhealth na mayroong ischemic heart disease at acute myocardial infarction o heart attack ay makakakuha ng pagtataas sa dalawang benefit packages nito.

Ang ischemic heart disease ay bunsod ng pagkaunti ng daloy ng dugo sa puso.

Ang dating binabayaran ng P30, 300 para sa percutaneous coronary intervention, isang pamamaraan ng pagalis ng bara sa ugat at pagtatanggal ng plaque sa ugat nang hindi na inooperahan, ay itinaas ng Philhealth sa halagang P523,853 o labingpitong beses na mas mataas kaysa sa dating binabayaran ng PhilHealth dito.

News Image #2

(Larawan ng PIA)

Maaaring isagawa ito sa anuman sa 70 accredited cath laboratory ng PhilHealth sa bansa.

Ang ikalawang itinaas na package sa puso ay ang fibrinolysis, isang panggagamot sa pamamagitan ng pagtunaw sa namuong dugo. Ang dating binabayaran ng PhilHealth ng P30, 290 ay babayaran na ngayon ng P133,500 o 341% ang itinaas mula sa dating case rate nito.

Maging ang benefit package sa emergency medical services na mayroong coordinated referral and interfacility transfers ay itinaas sa P21, 900 at ang cardiac rehabilitation sa P66, 140.

Kasama sa mga benefit packages na ito ang bayad sa ospital o pasilidad na pangkalusugan at sa doktor na titingin ditto. Gayundin ang emergency care, mga gamot, laboratory tests, medical supplies, equipment, at iba pang administrative fees.

Ito ay maaaring ipatupad sa lahat ng mga accredited na pampubliko at pribadong pasilidad na pangkalusugan na nasa Level 1, 2 at 3 at mayroong mga kagamitang medikal at pamamaraan ng panggagamot.

Sinabi ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr. na ginawa nila ito sa tulong ng mga pasilidad pangkalusugan lalo na at sa nagdaang Kapaskuhan ay tumaas ang mga kaso ng may sakit sa puso, ayon na rin sa Department of Health (DOH).

"There should be no co-payment for inpatient admissions in both public and private hospitals," ayon kay Ledesma na nagsasabing hindi na dapat pang maglabas ng dagdag na pera ang mga pasyenteng may sakit sa puso kapag sila ay naospital base sa kanilang ginawang pagtataas sa rates ng benefit packages.

Hinikayat din ni Ledesma ang mga miyembro ng PhilHealth na samantalahin ang benepisyo ng Konsulta o libreng konsultasyon upang mapigilan ang pagkakaroon ng malalang sakit habang maaga.

News Image #3

(Larawan ng PhilHealth)

Ang Konsulta services ay hindi lamang para sa konsultasyon sa mangaggamot kung hindi mayroon din itong tulong sa laboratory at diagnostic tests at gamot.

News Image #4

(Larawan ng PhilHealth)