Ito ay matapos na magsagawa ng isang motorcade rally noong Agosto 20 ng hapon, ang ilang mga residente ng EMBO barangays kung saan umikot ang mga nakamotorsiklo at nakabisikletang mga mamamayan na nakasuot ng puti at asul para ipanawagan ang pagsasagawa ng isang plebisito at hangaring manatili sila sa hurisdiksyon ng Makati.
Ito ay sa kabila ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na ilipat na ang 10 EMBO barangays sa pangangalaga ng Taguig City na tunay na may-ari ng teritoryo.
Sa isinagawang panayam ng ating ka-miyembro sa Taguig.com Group na si Hermie Padilla, isang senior citizen ng Barangay Comembo ang nagpahayag ng kanyang damdamin kaugnay ng paglipat ng kanilang barangay sa hurisdiksyon ng Taguig City.
Inilahad niya ang kanyang agam-agam sa pagbubukas ng klase na aniya ay baka hindi mabigyan ang kanyang mga apo ng libreng uniform at mga kagamitan sa eskwelahan na kanilang dating nakukuha sa pamahalaang lungsod ng Makati City. Gayundin ang mga allowance na nakukuha nila sa Makati na baka hindi matanggap mula sa Taguig City.
Subalit taliwas sa mga kumakalat na balita sa EMBO barangays na walang benepisyo sa Taguig City, ang mga mamamayan ng Taguig ay mayroong libreng pag-aaral at allowance para sa mga estudyante lalo na sa mga gustong mag-aral sa kolehiyo, ayon sa pamahalaang lungsod ng Taguig.
Gayundin, may libreng mga school supplies, bag, sapatos at uniform at mga health kits para sa mga estudyante sa elementarya at high school. Mayroon ding libreng dialysis at gamot para sa mga maysakit, lalo na sa mga senior citizens. Ang mga matatanda rin ay nakakatanggap ng birthday cash gift na P3, 000 kapag nasa edad na 60 hanggang 69, at P4, 000 naman para sa mga nasa edad na 70 hanggang 79 na taong gulang.
May bagong tayo ring mga super health centers ang Taguig na maaaring tumugon sa agarang pangangailangan ng mga mamamayan ng Taguig sa kanilang kalusugan. Mayroon din itong libreng diagnostic laboratory.
Tiniyak ng Taguig na ang lahat ng benepisyong ito ay maibibigay agad sa mga bago nitong constituents sa 10 EMBO barangays.
(Mga larawan mula sa Taguig PIO )
(Video mula kay Hermie Padilla)