Nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng napakataas na pag-angat ng karagatan at pagtulak ng alon (storm surge) sa mga baybaying dagat sa Bicol Region at sa iba pang bahagi ng bansa sa pagpasok ng bagyong Pepito (international name: Man-Yi) at ang napipinto nitong pagbagsak sa kalupaan ng Catanduanes ngayong Nobyembre 16, 2024 ng gabi o sa Nobyembre 17 ng umaga.

News Image #1


Aabot sa 12 metro ang storm surge sa baybayin ng Catanduanes ngayong araw na ito, 8 metro naman sa silangang baybayin ng Albay, Sorsogon at Eastern Samar at gayundin sa hilaga at silangang baybayin ng Northern Samar.

Lima at kalahating metro naman ang taas ng karagatan sa silangang baybayin ng Camarines Sur at 4.5 metro naman sa hilagang baybayin ng Camarines Sur. Maging ang baybayin ng Dinagat Islands ay makakaranas ng hanggang 4 na metrong storm surge at ang Surigao del Sur at Siargao Islands ay aabot ng 3.5 metro.

Lalo pang lumalakas ang bagyong Pepito habang kumikilos ng pakanluran hilagang kanluran sa ibabaw ng Philippine Sea na nasa silangan ng Eastern Visayas.

Ang sentro ng mata ng bagyo ay tinatayang nasa 305 kilometro na sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar (11.5 °N, 128.5 °E ) kagabi ng alas 10:00. Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras.

News Image #2


Ang dala nitong hangin ay nasa 155 kilometro kada oras na may pagbugsong 190 kilometro kada oras. Magkakaroon ito ng bahagyang paghina habang dumadaan sa Gitnang Luzon subalit mananatili itong nasa typhoon category.

Nagbabala rin ang PAGASA na magiging malakas ang pag-ulan sa mga dadaanan ng bagyong Pepito sa susunod na tatlong araw. Sa Lunes, Nobyembre 18 inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Pepito.

Itinaas na ang signal number 2 sa:
• Hilaga at silangang bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Siruma, Tinambac, Lagonoy, Garchitorena, Presentacion, San Jose, Goa, Sagñay, Tigaon)
• Catanduanes
• Silangang bahagi ng Albay (Bacacay, City of Tabaco, Rapu-Rapu, Malilipot, Santo Domingo, Malinao, Tiwi, Manito
• Silangang bahagi ng Sorsogon (City of Sorsogon, Gubat, Prieto Diaz, Barcelona, Casiguran, Bulusan)
• Hilaga at silangang bahagi ng Northern Samar (Mapanas, Gamay, Palapag, Lapinig, Silvino Lobos, Laoang, Catubig, Las Navas, Pambujan, Mondragon, San Roque, Catarman, Lope de Vega, Biri, San Jose, Bobon, Rosario, Lavezares)
• Hilagang bahagi ng Eastern Samar (Arteche, Oras, San Policarpo, Dolores, Jipapad, Maslog, Can-Avid, Taft)
• Hilaga silangang bahagi ng Samar (San Jose de Buan, Matuguinao)

Signal number 1 naman sa:
• Timog at silangang bahagi ng Isabela (Dinapigue, Palanan, San Mariano, San Guillermo, Jones, Echague, San Agustin, Angadanan, Benito Soliven, City of Cauayan, City of Santiago, San Isidro, Alicia, Naguilian)
• Quirino
• Silangan at timog na bahagi ng Nueva Vizcaya (Alfonso Castañeda, Kasibu, Dupax del Norte, Dupax del Sur)
• Aurora
• Silangang bahagi ng Nueva Ecija (Pantabangan, Rizal, Bongabon, General Mamerto Natividad, Palayan City, General Tinio, Gabaldon, Laur, Peñaranda, Cabanatuan City, Santa Rosa, San Leonardo, City of Gapan)
• Silangang bahagi ng Bulacan (Doña Remedios Trinidad, San Miguel, Norzagaray, City of San Jose del Monte, San Ildefonso, San Rafael, Baliuag, Bustos, Santa Maria, Bocaue, Marilao, City of Meycauayan, Obando, Balagtas, Angat, Pandi)
• Metro Manila
• Laguna
• Rizal
• Quezon
• Marinduque
• Camarines Norte
• Nalalabing bahagi ng Camarines Sur
• Nalalabing bahagi ng Albay
• Nalalabing bahagi ng Sorsogon
• Masbate kasama ang Burias ay Ticao Islands
• Nalalabing bahagi ng Northern Samar
• Nalalabing bahagi ng Eastern Samar
• Nalalabing bahagi ng Samar
• Biliran
• Hilaga-silangang bahagi ng Leyte (Barugo, San Miguel, Babatngon, Tacloban City)

(Mga larawan ng PAGASA)