Kinilala na ang Chinese hacker na nauugnay sa isang Philippine offshore gaming operator (POGO) na ni-raid sa Porac, Pampanga kamakailan.

Nakapiit ngayon sa Bureau of Immigration (BI) detention center sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City si Lin Qiude, 40 anyos, na naaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI at ng mga tagapagpatupad ng batas sa Poro Point Freeport, San Fernando, La Union noong Hulyo 20, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Sinasabing si Lin ang isa sa mga pinuno sa Lucky South 99, ang diumano ay operator ng POGO hub na na-raid sa Porac, Pampanga kung saan natagpuan ang ilang indibidwal na diumano ay pinipigil makalabas at may ilan pang pinahirapan.

Si Lin ay wanted din sa China dahil sa panloloko. Isang arrest warrant ang ipinalabas ng prosecutor ng Anxi County laban dito.

Sinasabing may kinalaman din si Lin sa pangha-hack ng mga bangko sa Estados Unidos, Gitnang Silangan at Europa.

Ayon sa Immigration Bureau, ipo-proseso na nila ang mga dokumento para mapatapon pabalik ng China si Lin at harapin ang kaso nito.

Samantala, isang leisure hub sa Barangay Siñura sa Porac, Pampanga ang natagpuan ng mga otoridad na hindi kalayuan sa POGO hub ng Lucky South 99 sa naturan ding lugar.

News Image #2

(Larawan mula sa Pampanga PIO)

Nadiskubre ang isang indoor firing range at underground tunnel dito. Ayon sa Pampanga Police, hinihinalang ito ang pahingahan ng mga pangunahing Chinese nationals na may kinalaman sa POGO sa Porac, Pampanga at Bamban, tarlac.