Hindi pa maipapa-deport agad ang naarestong Canadian na may kaugnayan sa P9.68 bilyong ilegal na drogang naharang sa Alitagtag, Batangas noong Abril.

Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na mananatili muna sa mga lokal na law enforcement agencies si Thomas Gordon O'Quinn, 38 taong gulang, habang nililitis sa mga kaso nito sa Pilipinas.

News Image #1


Naaresto si O'Quinn, na gumagamit ng alyas na James Martin, noong Mayo 16, 2024, sa Barangay Maitim II, Tagaytay City kung saan nakuhanan ito ng mga ilegal na droga at mga pekeng identification cards at iba pang dokumento.

Wanted si O'Quinn sa Estados Unidos dahil naman sa pakikipagkutsaba para maipamahagi ang nakuha ritong ilegal na drogang tinatawag na methylenedioxyamphetamine (MDA) at limang kilo o higit pa ng pinaghalong droga na may kasamang cocaine.

May kinakaharap din itong kasong pakikipagkutsaba para ma-export mula sa US ang 5 kilo ng cocaine.

Ginawa umano ni O'Quinn ang mga krimeng ito noong Agosto 2014 at Hunyo 2015 sa panahong isinagawa ng suspek at ng mga kasamahan nito ang pagluluwas ng ilegal na droga mula Canada tungong US at pabalik sa Canada.

Kung sakaling matagpuang may sala, si O'Quinn ay maaaring masentensiyahan ng habambuhay na pagkabilanggo sa ilalim ng US Penal Code.

Sa Pilipinas, si O'Quinn ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 11 (Illegal Possession), Article II ng Republic Act 9165, at Article 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) ng Revised Penal Code.

Iniharap na ang mga kasong ito sa Office of the Prosecutor ng Department of Justice sa Manila.

Si O'Quinn ay sinasabing may kinalaman din sa 1.4 toneladang ilegal na drogang naharang ng mga pulis sa Batangas makaraang ituro ito ng driver ng van na kinalulanan ng mga ipinagbabawal na gamot.


"He has to stand trial and face his crimes locally, before we deport him so he can again strand trial for the crimes he committed abroad," ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)