Maglulunsad ang Department of Agriculture (DA) ng programang "Rice for All" ngayong Hulyo na ang layunin ay maipaabot sa mga mamamayan ang mas murang bigas.

Ang bigas ay ibebenta sa presyong P45.00 hanggang P48.00 kada kilo sa publiko.

News Image #1

(Larawan ng FTI)

Halong imported at lokal na well-milled rice mula sa mga partner na kooperatiba ng mga magsasaka at pribadong traders ang ibebenta sa Rice for All program.

Posible ring maibenta ng mas mababa pa ang bigas sa naturang programa dahil sa bumababa na rin ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Mulas a US$ 543 bawat metriko tonelada noong Mayo, ang presyo ng bigas ngayon sa pandaigdigang merkado ay US$ 531 bawat metriko tonelada nitong Hunyo.

Samantala, ang mga nasa bulnerableng sektor tulad ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) ay binebentahan ng bigas na nasa P29.00 kada kilo sa mga Kadiwa sites, kabilang ang Food Terminal Incorporated sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.


Sinimulan ang pag-testing sa P29.00 halaga ng bigas sa 10 Kadiwa stores kabilang ang FTI-Taguig, Bureau of Animal Industry Dome at National Irrigation Administration sa Quezon City; Bureau of Plant Industry sa Malate, Manila; Philippine Fiber Industry Development Authority sa Las Piñas; Bayani Fernando Central Terminal o BFCT at Barangay Fortune sa Marikina; at ilan pang lugar sa Caloocan, Valenzuela, at San Jose del Monte, Bulacan.