Arestado ang isang 32 taong gulang na Malaysian makaraang ilegal na pumasok ng bansa at nagtangkang lumabas sakay ng barko sa Zambonga City.

News Image #1

(Larawan ng Immigration Bureau)

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang Malaysian na si Hii Kien Tong ay naharang ng kanilang mga tauhan sa Zamboanga International Seaport (ZIS) noong Oktubre 16, 2024 habang papasakay sa barkong M/V Antonio 1 na patungong Sandakan, Malaysia.

Nasa listahan ng BI si Hii ng mga blacklisted na mga dayuhan noon pang Disyembre 27, 2022 dahil sa ilegal na pagta-trabaho sa isang online gaming hub na kanselado na ng lisensiya para makapagsagawa ng operasyon.

Nakita rin na walang arrival stamp ng immigration ang pasaporte nito.

"We suspect that despite his being barred from entering the country last year, he managed to re-enter the country illegally," ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.

Kasabay nito ay pinuri ni Viado ang tauhan ng BI na nakatalaga sa Zamboanga Port na nakaharang kay Hii.

Dinala ang Malaysian sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City kung saan mananatili ito habang inaayos ang papeles para sa deportasyon nito.