"Ang feeling ko, parang ako na rin ang nanalo." Ito ng pahayag ni Rhonda Felizmeña, ang 70 taong gulang na kandidata ng Barangay Pitogo sa Mutya ng Taguig 2024.

News Image #1



Nakuha ni Felizmeña ang award na Miss Congeniality sa patimpalak ng ganda at talino ng mga Taguigeña na isinagawa sa Taguig City University Auditorium noong Sabado, Mayo 25, 2024.

Sinabi ni Felizmeña na napatunayan niyang kahit senior citizen na ay hindi pa huli ang lahat. Ayon pa sa kanya, wala na siyang mahihiling pa sa buhay dahil naranasan na niya ang lahat. Bumata rin aniya ang kanyang pakiramdam dahil sa madalas niyang kasama ang kanyang mga kapwa kandidata na mataas ang lebel ng enerhiya.

News Image #2


Dahil sa pagtanggal ng maximum na age limit at maging sa civil status ay nakapasok sa kumpetisyon si Felizmeña.

Pinayuhan din niya ang mga kabataang kapwa niya kandidatang ituloy lamang ang kanilang buhay at magpatuloy sa pagsisikap sa kanilang pangarap makaraang makita niya na ang ilan sa mga ito ay umiyak nang hindi man lamang nakapasok sa Top 15 ng kumpetisyon.

Si Felizmeña ay nanalo bilang Bonggang Lola noong 2017.

Ang nagwagi bilang Mutya ng Taguig 2024 ay si Alessandra Leanne Plantado ng Barangay Central Signal. First runner-up naman si Danielle Mariz Lamptey ng Barangay Central Bicutan. Second runner-up si Charish Apple Arellon ng Barangay Santa Ana, Third runner-up si Yllana Marie Macapagal ng Barangay Bagumbayan, at Fourth runner-up si Aubrey Ysabelle Delos Reyes ng Barangay South Signal.

(Larawan mula sa Mutya ng Taguig FB Page)