Isang modelo at aktres na Brazilian ang nadukutan ng iPhone 15 Plus na mobile phone habang nasa isang mall sa Bonifacio Global City (BGC), Fort Bonifacio, Taguig City kasama ang kanyang anak na babae noong Agosto 16, 2024.

Dumulog sa Taguig City Police - Fort Bonifacio Sub-station 1 ang biktimang kinilala lamang sa pangalang Priscilla makaraang madukutan siya ng kulay pink na cellphone habang magbabayad na sa kahera ng kanyang mga binili sa The Market Place sa BGC.

News Image #1

(Contributed Photo)

Napag-alaman na nag-Facebook live video si Priscilla habang kinukunan ang mga gamit na kanyang bibilhin.

Nang nakalinya na siya sa kahera para magbayad, anim na indibidwal ang bigla na lamang siyang binangga sa kanyang harapan at likuran, dahilan para mawala ang kanyang atensyon sa mga gamit.

Napansin na lamang ni Priscilla na nawala ang kanyang cellphone nang paalis na siya sa tindahan na kanyang binilhan. Agad niyang isinumbong sa guwardiya ang pangyayari at dinala siya sa administrative office.

Sinamahan ni Arnel Nono, administration officer ng The Market Place, ang biktima sa Fort Bonifacio Sub-Station 1 upang magharap ng reklamo at makakuha ng request para mapanood ang CCTV ng establisamyento. Gayunman, tumanggi si Nono na magbigay ng kopya ng CCTV recording hanggang walang kautusan mula sa korte.

Ayon naman kay Priscilla, ang tatlo sa mga suspek ay nakuhanan sa kanyang Facebook Live at ang mga ito aniya ang ilan sa mga bumangga sa kanya. Na-trace din ni Priscilla sa kanyang Find my iPhone app ang nanakaw na cellphone sa isang lugar sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Agad na nagtungo ang mga pulis sa lokasyon subalit nabigong makita ang mga suspek. Sa sumunod na operasyon ng Taguig City Police - Sub-station 1, nakita na ang iPhone 15 Plus ni Priscilla na nasa Greenhills Shopping Mall sa San Juan City na ibinebenta sa mga tindahan ng gamit na cellular phones.

News Image #2

(Taguig City Police photo)

Nakilala rin at naaresto ang dalawa sa anim na suspek makaraang ituro ng napagbentahan ng cellphone.

Nagharap na ng reklamo si Priscilla laban sa mga suspek at lubos ang kanyang pasasalamat sa Taguig City Police sa pagtulong sa kanya na maaresto ang mga suspek at maibalik ang kanyang cellphone.

Ipinayo ng Taguig City Police sa publiko na maging mapagmatyag sa mga pampublikong lugar at iulat kaagad sa pulisya ang mga suspetsosong indibidwal. Ang anumang impormasyon at maaaring itawag sa PNP Hotlines: 0998 598 7932 at 8642 3582.