Ipapatapon palabas ng bansa ang dalawang naarestong dayuhang nang-aabuso ng mga bata, kung saan ang isa ay nahuli sa Taguig City.

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), naaresto nila sa SM Aura sa Bonifacio Global City sa Taguig noong Oktubre 16, 2024 ang isang British national na nakilalang si Ryan Ashley, 50 taong gulang, nang magtangka itong palawigin pa ang kanyang tourist visa.

News Image #1


Si Ashley ay nakalista bilang sex offender at nahatulan na sa United Kingdom noong 1994 at noong 2002 dahil sa maraming kaso ng pang-aabusong sekswal, kabilang na ang panghahalay sa mga menor de edad.

Dinala na si Ashley sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang inihahanda ang deportasyon nito.

Noon ding Oktubre 16, 2024, naaresto naman si Joseph John Graham, 76 taong gulang, isang Amerikanong pedophile, sa Clark International Airport sa Angeles City, Pampanga.

News Image #2


Isang warrant of arrest ang ipinalabas laban kay Graham ng 19th judicial court mg Indian River County sa Florida kung saan mayroon itong 55 kaso ng child pornography.

Nang siyasatin ang mobile phone ni Graham ng mga umarestong otoridad, nakita rito ang napakaraming sex abuse materials kung saan may mga larawan ito ng mga hubad na Pilipinong bata, ang ilan ay edad tatlong taong gulang lamang.

Napag-alaman na madalas na nagba-biyahe sa Pilipinas si Graham. Bagaman at mayroon na itong kautusan para maipatapon palabas ng bansa at naka-blacklist na rin sa BI, mananatili muna ito sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) habang inihahanda ang mga karagdagang kaso laban dito.

(Mga larawan ng Bureau of Immigration)