Lumobo ng higit pa sa P23 bilyong inisyal na pagtataya ng bagong pamunuan ng Senado ang pondong kakailanganin para sa itinatayong bagong gusali ng Senado sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

Sa muling pagdinig ng Senate Committee on Accounts kaugnay ng pinag-aaralang gastusin sa bagong Senate Building noong Hulyo 10, 2024, inamin ng mga dumalong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na posibleng umabot pa sa P25 hanggang P27 bilyon ang presyo ng New Senate Building dahil sa inflation.

News Image #1


Ang ginamit na pagkalkula rito ng DPWH ay ang tinatayang dalawampung porsiyentong pagtaas ng gastusin sa gusali dahil sa inflation.

Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, chairperson ng Senate Committee on Accounts, ang halaga ng Phase 1 ng proyekto ay nasa P8.6 bilyon na mula sa dating P8.067 bilyon bunga ng variation orders o kautusan ng pagbabago sa naunang plano.

News Image #2


Ang budget naman para sa Phase 2 ng paggawa ng gusali ay tinatayang nasa P2.375 bilyon na at maaaring madagdagan pa.

Ang Phase 3 naman aniya, na ang halaga ay nasa P10.33 bilyon, ay pinag-aaralan nang Senado.

Sa naturan ding pagdinig, humingi ng paumanhin si Cayetano sa mga opisyal ng DPWH sa nangyari noong Hulyo 3, 2024, kung saan nagkaroon sila ng pagtatalo ni Senadora Nancy Binay, dating chairperson ng Senate Committee on Accounts, dahil sa lumobong budget para sa ginagawang gusali ng Senado sa Taguig.

Gayunman, hindi direktang humingi ng paumanhin si Cayetano kay Binay sa naturang pagdinig.

Nanghingi rin ng paumanhin si Cayetano sa mga manonood. Aniya, ang mga pagtatalo ay nangyayari kapag masyadong mataas ang mga emosyon.

Sa pagdinig noong isang linggo, sinabi ni Cayetano na batay sa ulat ng DPWH, nasa P23 bilyon na ang halaga ng bagong gusali ng Senado. Iginiit naman ni Binay na nasa P21.7 bilyon ito, batay rin aniya sa pahayag ng DPWH.

(Mga larawang kuha ni Dexter Terante)