Agaw-pansin sa mga dumadaan sa C6, kung saan naroon ang Taguig Pumping Station, ang mga bulang tila nanggaling sa sabon na dumadaloy sa ilog. Ayon kay Arnel Doria, isang broadcaster at kolumnista, nadaaanan niya habang nagbibisikleta sa C6, Taguig City, ang ilog na may bula kaya't kinuhanan niya ang kakatwangf pangyayari rito. (I-click ang video sa ibaba).



Ang hinala ni Doria, mga pollutants ito at natunaw na mga organic matters. Ang kanyang mga kaibigan naman ay nagbirong baka may naglalaba. May nagbiro ring baka may snow na raw.

News Image #1


Subalit nang alamin ng Taguig.com sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na nagpapatakbo ng pumping station, ang bulang ito ay nilikha pala ng pumping station na ino-operate nila kapag lumalakas ang ulan. Ang pag-operate ng pumping station ay upang mamantina ang minimum na antas ng tubig sa ilog sa Barangay Wawa at maitulak papuntang Laguna Lake ang sobrang tubig.

News Image #2


Wala namang kemikal na idinadagdag dito, ayon sa MMDA, pero nalilikha anila ang bula dahil sa bilis ng pagpapatakbo ng pumping station. Gayundin, ang mismong tubig anila ay may tila sabon, bunga ng mga itinatapon ng mga tao sa ilog. Nagmimistulang washing machine ang pumping station na kapag pinaikot ang tubig ay bumubula.

Bagaman at magandang tingnan ang bula, pinayuhan ng MMDA ang mga mamamayan na huwag hawakan ang mga bulang ito dahil maaaring maging sanhi ng pangangati o rashes sa balat.

Ipinaalala rin ng MMDA sa mga mamamayan na iwasang magtapon ng basura o anumang kemikal sa ilog dahil hindi lamang pagbabaha ang magiging problema kung hindi mamamatay ang mga isda at iba pang organismo sa ilog.

(Screenshot from Arnel Doria's video)
(Photo of Taguig Pumping Station by Taguig PIO)