Isang buntis na Chinese na sinasabing lider ng isang kidnap-for-ransom group na nagsasagawa ng operasyon sa Pilipinas ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan sa isang condominium unit sa Pasay City.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Ang asawa ng buntis ay nakapiit din ngayon sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City makaraang maunang maaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group dahil sa parehong kaso.

Ayon kay Rendel Sy, hepe ng BI Fugitive Search Unit ang babaeng kanilang naaresto ang tumatawag sa mga bibiktimahin na kapwa nila Chinese dito sa Pilipinas para makipagkita.

"Nangingidnap sila ng kapwa nila Chinese dito sa Pilipinas. Siya ang kumokontak sa mga would-be victims nila, imi-meet niya somewhere. Pag nagkita na sila, andun na yung mga kasabwat na lalaki, doon na nila dudukutin," ayon kay Sy.

Kapag nadukot na, saka hihingi ng ransom money ang mag-asawa mula sa pamilya ng biktima, kung saan ang bayad na hinihingi nila ay cryptocurrency, dagdag pa ni Sy.

Sinabi pa ni Sy na nahirapan silang tuntunin noong una ang kinaroroonan ng buntis na babae dahil paiba-iba ito ng pangalan at tinutuluyan.