Isang Cameroonian na lalaki na dati nang naaresto sa Taguig City dahil sa kasong panloloko ay muling nahuli ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa kasong estafa at pag-iingat ng pekeng pera na umaabot sa P4.1 milyon.
(Larawan mula sa NCRPO)
Naaresto si Marcel Wenong Tezock, 40 anyos, sa tinutuluyan nitong unit sa isang condominium sa Mandaluyong City noong Oktubre 24, 2024 ng alas 2:00 ng hapon.
Kasama ni Tezock na naaresto ang kanyang live-in partner na si Kuhle Nkomo, 25 taong gulang na Zimbabwean.
Sinilbihan ng warrant of arrest si Tezock dahil sa kasong estafa, at sorpresang natagpuan sa kanyang inuupahang unit ang ilang bundle ng pekeng US dollars at Philippine peso bills na nasa ibabaw ng microwave oven at cabinet sa kusina.
"Upon closer inspection, it was determined that the bills were printed in four pieces on a single sheet of paper, confirming their counterfeit nature. The counterfeit bills were subsequently confiscated," ayon kay Police Maj. Gen. Sidney Hernia, NCRPO director.
Kinumpirma ng mga ahente ng Payments and Currency Investigation Group (PCIG) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang nakuhang mga perang papel sa unit ni Tezock ay pawang peke.
Nagpiyansa si Tezock sa mga nauna nitong pagkakaaresto sa Taguig City dahil sa swindling violation noong Disyembre 16, 2022 at kasong pamemwersa noong Marso 9, 2024 sa Makati City kaya ito ay malaya nang maarestong muli ng mga otoridad kamakailan.
Nagbabala rin si Hernia sa posibilidad ng pagkalat ng mga pekeng pera lalo na ngayong malapit na ang Pasko at eleksyon.
Aniya dapat gawin ang "Feel-Look-Tilt"method upang maberipika ang security features ng new generation currency banknotes na posibleng pekehin ng mga criminal.
Cameroonian National na Dati nang Naaresto sa Taguig, Nahuli na naman sa Mandaluyong at Nakumpiskahan pa ng P4.1 Milyong Pekeng US Dollars at Philippine Pesos | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: