Nagbalik na ang operasyon ng Cebu Pacific makaraang maisaayos ng service provider nito ang mga kinakailangan para makalipad muli ng walang problema ang kanilang flights simula noong Sabado ng umaga.

News Image #1

(Kuha ni Vera Victoria)

"All systems are now operational, and we plan to operate our normal flight schedules," ang pahayag ng Cebu Pacific kasunod ng paalala sa mga pasahero na may kumpirmadong booking na i-monitor ang status ng kanilang biyahe sa website ng airline.

"We are grateful to our IT and airport staff who worked tirelessly to resolve the situation and assist the affected passengers," ang dagdag pa ng Cebu Pacific.

Samantala, ang AirAsia naman ay naibalik din ang normal na pagtakbo ng kanilang sistema noong Sabado ng hapon.

"We ask for patience among our guests, as we recover from multiple delays and cancellations as a result of the global IT outage yesterday that is beyond our control," ang pahayag naman ng AirAsia.

Naapektuhan din ng pag-crash ng Windows software ang ilang mga bangko sa bansa tulad ng BDO Unibank, Bank of the Philippine Islands (BPI), Metropolitan Bank & Trust Company (Metrobank), Union Bank of the Philippines (UnionBank), Land Bank of the Philippines (Landbank), at Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC).

Nagkaroon ng mga delay sa mga transaksyon subalit naisaayos din ang operasyon ng mga ito noong Sabado.

Ang pagbagsak ng operasyon ng ilang mga airlines, paliparan, bangko, telekomunikasyon, pangkalusugang institusyon, broadcast at iba pa sa buong mundo ay dahil sa biglang hindi pagtakbo ng Microsoft system bunga naman ng update ng CrowdStrike, isang cybersecurity firm.

Ang software ng CrowdStrike ang pumoprotekta sa ilang negosyo at kumpanya mula sa cyberattack at iba pang online threat. Gayunman, ang software update nito na may glitch ang naging dahilan ng pag-crash ng mga Windows computers na nagpapatakbo ng software ng kumpanya.

News Image #2

(Screenshot ng logo ng CrowdStrike)

Hindi naman apektado ng bug ang mga Mac at Linux computers.

Sa isang pahayag, nanghingi ng paumanhin ang CrowdStrike sa pangyayari. "We understand the gravity of this situation and are deeply sorry for the inconvenience and disruption."