Isang Chinese na lalaking pinagsususpetsahang isang hacker at diumano ay big boss ng Lucky South 99, ang ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga, ang naaresto ng mga otoridad sa isang resort sa La Union.

News Image #1


Dinala agad sa detention facility ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang suspek, na hindi muna inilabas ang pangalan, dahil sa may kinakaharap din itong mga kaso ng panloloko sa China.

Napag-alaman na ang grupo ng mga hackers na pinamumunuan ng naarestong suspek ay pinapasok ang mga bank accounts ng kanilang mga kliyente sa Estados Unidos, United Kingdowm at Middle East, ayon kay Rendel Sy, hepe ng BI Fugitive Search Unit.

Sinabi pa ni Sy na posibleng inilipat ng naturang hacker ang operasyon sa North Luzon makaraang ma-raid ang kanilang pasilidad sa Pampanga.

Ayon naman sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) isinasailalim din nila sa imbestigasyon ang naturang hacker upang malaman kung sino ang iba pang mga pinuno ng Lucky South 99.