Isang lalaking Chinese na nagpanggap na Vanuatu national ang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago ito nakasakay sa isang Thai Airways flight patungong Bangkok, Thailand noong Hunyo 11, 2024.

Si Alex Cooper, 43 taong gulang, may hawak ng Vanuatu passport, ay napag-alaman sa pangunang imbestigasyon na isang Chinese national. Hindi ito marunong magsalita ng lenggwahe ng bansa sa Katimugang Pasipiko, marunong lamang mag-Chinese at ang hawak na mobile phone ay Chinese ang characters.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, patuloy nilang sinisiyasat kung paano nagkaroon ng pasaporte ng Vanuatu ang naturang Chinese national gayong hindi pa ito nakararating sa nasabing bansa.

Nakakulong ngayon sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Copper habang patuloy na sinisiyasat at inaalam kung saan ito maipapa-deport.

"If we are able to establish that he is actually a Chinese citizen and that his Vanuatu passport was merely procured from fixers to conceal his real identity, he will be summarily deported and banned from re-entering the country," ayon kay Tansingco.

Nagamit ni Cooper ang kanyang hawak na Vanuatu passport para makapasok at labas ng mga bansa kabilang na ang Pilipinas, Japan at Thailand.

Una nitong ginamit ang Vanuatu passport sa Pilipinas nang pumasok ito sa bansa noong Hunyo 30, 2022.

Ang Vanuatu ay isang islang-bansa sa Melanesia na nasa South Pacific Ocean.