Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa Beijing, China dahil sa ilegal na sugal.

Naaresto ang 37 taong gulang na si Wang Yilin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Mayo 29 makaraang dumating ito sa bansa sakay ng Thai Airways Flight na galing sa Bangkok, Thailand.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Nang dumating ito sa Immigration Officer, nakita ang positibong hit sa pangalan nito na nakalista sa red notice list ng International Police o Interpol.

Napag-alaman na si Wang ay nakipagkutsaba sa isa pang suspek noong 2019 para patakbuhin ang isang sindikato na nag-o-operate ng online gambling.

Kabilang sa nilaro sa online gambling nito ang Baccarat na isang paglabag sa anti/gambling law ng China.

Umabot umano sa 60 milyong yuan, o halos US$8.3 million ang kinita ni Wang at ng mga kasamahan nito sa ilegal na online gambling site.

Dinala muna sa Immigration Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Wang.

Makalipas ang dalawang araw, idineport ito sa Guangzhou, China sa kahilingan ng pamahalaan ng China dahil ito ay isang wanted na takas sa batas sa kanilang bansa.


Limang Chinese police escorts ang nagbantay kay Wang sa kanyang paglipad pabalik ng China.

Isang warrant of arrest ang inisyu laban kay Wang ng Bengbu municipal public security bureau sa Anhui province, China noong Setyembre 28, 2023.