Dalawang Chinese nationals ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagkakaugnay ng mga ito sa iba't ibang krimen.

Inaayos na ang deportation procedures kina Zhu Tingyun, 43 taong gulang at Wang Yun, 30 taong gulang na ngayon ay nakapiit na sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Inaresto ang dalawa noong Hunyo 19, 2024 sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng BI Fugitive Search Unit sa Parañaque at Pasay.

Inaresto si Zhu sa bahay nito sa Barangay Tambo, Parañaque sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Public Security Bureau sa Cangwu County, Guangxi, China. Si Zhu ang nagpapatakbo umano ng sindikato na nag-o-operate ng online gambling site simula pa noong 2016. Nakalikom na ang site nito ng 30 bilyong Chinese yuan o humigit kumulang sa US$4.1 bilyon.

Si Wang naman ay may arrest warrant na ipinalabas ng Public Security Bureau Jinjiang City dahil diumano sa kaugnayan nito sa kasong kidnapping. Naaresto naman ito sa Metrobank Avenue, Pasay City.

Ang dalawang takas sa batas sa China ay overstaying na rin sa Pilipinas dahil ilang taon nang nagtatago ang mga ito sa bansa. Pinawalang bisa na rin ng China ang kanilang mga pasaporte.