Hinatulan ng reclusion perpetua o pagkakulong ng habambuhay ang modelong si Deniece Cornejo, ang negosyanteng si Cedric Lee at dalawang iba pa ng Taguig Regional Trial Court Branch 153 sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng TV host at aktor na si Ferdinand "Vhong" Navarro.

News Image #1


Sa inilabas na promulgasyon ng Taguig court noong Mayo 2, 2024. Sina Cornejo, Lee at mga kasamang sina Simeon Palma Raz, Jr. at Ferdinand Guerrero ay pinagbabayad din ng halagang P300, 000 bilang damages kay Navarro.

News Image #2


Ang reclusion perpetua, sa ilalim ng Article 27 ng Revised Penal Code ay may kulong na 20 hanggang 40 taon. May pagasa lamang na ma-pardon kapag napagsilbihan na ng mga ito ang hatol ng hanggang 30 taon.

Sina Cornejo at Raz lamang ang dumalo sa pagbasa ng hatol ng hukuman at agad na dinala ang dalawa sa piitan.

Nagpalabas naman ng warrants of arrest ang korte laban kina Lee at Guerrero na wala sa promulgasyon.

Si Lee ay sumuko na sa National Bureau of Investigation o NBI.

Noong 2014, sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng kasong serious illegal detention sina Cornejo, Lee, Raz, Guerrero, at tatlong iba pa na sina Bernice Cua Lee, Jose Paolo Gregorio Calma at Sajed Fernandez Abuhijleh.

Batay sa kaso, ikinulong ng mga ito si Navarro sa condominium unit ni Cornejo sa Taguig City noong Enero 22, 2014 kung saan binugbog din ito. Hiningan umano ng mga akusado si Navarro ng P 2 milyon kapalit ng paglaya nito.

Nagpasalamat naman si Navarro sa pagkamit niya ng hustisya sa naturang kaso.

News Image #3


"Maraming, maraming salamat Lord dahil lagi kang nakagabay sa akin. Sa rami ng pinagdaanan ko sa buhay, andyan ka. Ikaw ang naging sentro ko. At napaka-totoo. Kaya maraming salamat. At maraming salamat sa RTC Taguig sa ibinigay ninyong justice sa akin na matagal mo na pong pinagdarasal. Salamat po ng marami. Maraming salamat din sa aking legal team sa hindi ninyo pagbitaw ay pagsama sa akin hanggang sa huli," ang ginawang pahayag ni Navarro sa live na pagsasahimpapawid ng kanyang noontime show sa GMA 7 na It's Showtime.

Una rito ay na-dismiss na ng Korte Suprema noong Marso ng nakaraang taon ang kasong rape with acts of lasciviousness na isinampa naman ni Cornejo laban kay Navarro. Inakusahan ni Cornejo si Navarro ng panghahalay sa kanya sa kanyang condominium unit sa Taguig noong Enero 17, 2014.

Bago nadismiss ang kasong rape laban kay Navarro, nakulong pa ito sa National Bureau of Investigation detention center at nalipat sa Taguig City Jail Male Dormitory kung saan nag-isyu ang korte ng Taguig ng isang non-bailable warrant of arrest laban sa kanya noong Setyembre 18, 2022.

Napakawalan naman sa Taguig City Male Dormitory si Navarro noong Disyembre 6, 2022 makaraang payagan ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 ang kanyang petisyon para sa pagpa-piyansa na binayaran ng TV host ng P 1 milyon.

Samantala, ang isa sa hinatulan na si Lee, ay may naunang hatol na 18 taong pagkakulong sa kasong malversation kasama ang dating Mariveles, Bataan Mayor na si Angel Peliglorio, Jr. dahil sa ipinalabas na P23.47 milyong pondo ng bayan na pampagawa ng pampublikong pamilihan na hindi naman naitayo.