Isang bagong transport terminal sa Taguig City ang inaasahang mabubuksan na sa huling bahagi ng 2025.
Ang Arca South Transport Terminal sa Barangay Western Bicutan, Taguig City ang magiging himpilan ng mga bus, jeepney at tricycle. May itinatayo ring mga tindahan ng pagkain, mga palikuran at mga pasilidad para sa mga persons with disabilities (PWD), at may breastfeeding room din para sa mga ina sa dalawang ektaryang lupain.
Ayon sa Ayala Land, ililipat din nila ang AANI Weekend Market sa Arca South Transport Terminal upang mas maging malapit sa mga nakatira sa lugar at sasakay sa transport terminal ang mga sariwa at organic na pananim, seafood, manok at iba pa.
Ang bagong transport terminal ay bahagi ng hangarin ng Ayala Land na ang dating Food Terminal Incorporated (FTI) ay maging isang mixed-use development.
Ang FTI ay ang dating 74 na ektaryang lupain kung saan iniimbak ang mga sariwang produktong agrikultural at dinadala sa iba't ibang merkado sa Metro Manila.
Sa ngayon, ay dine-develop na ito upang maging bagong business at lifestyle district na tulad ng Bonifacio Global City.
Samantala, may isa pang transport terminal na itinatayo sa Taguig at ito ay ang Taguig Integrated Terminal Exchange o TITX na mas malaki sa Arca South Transport Terminal dahil ito ay nakakasakop sa limang ektarya.
Ang TITX ay nasa Arca South din subalit ang mga titigil na bus dito ay ang mga bumabiyahe sa mga rehiyon o lalawigan.
Kapag nakumpleto na, ang TITX ay iuugnay sa FTI Station ng North-South Commuter Railway (NSCR) at ng ginagawa ring Metro Manila Subway na inaasahang matatapos din sa lalong madaling panahon.
(Mga larawan ni Dexter Terante)
Dalawang Bagong Transport Terminals ng Taguig, Ginagawa sa Arca South | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: