Nasa katubigan na ng Palanan, Isabela ang tropical depression na si Gener habang napanatili nito ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras malapit sa gitna, at pagbugsong nasa 70 kilometro kada oras.
Kasalukuyang gumagalaw ang bagyong Gener sa kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Nakataas na ang Signal Number 1 sa mga sumusunod.
• Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija,
• hilagang bahagi ng Bulacan (Doña Remedios Trinidad, San Miguel, San Ildefonso, Baliuag, San Rafael), hilagang bahagi ng Pampanga (Porac, Angeles City, Magalang, Arayat, Mabalacat City, Floridablanca, Santa Rita, Guagua, Bacolor, City of San Fernando, Mexico, Santa Ana, Candaba, San Luis, San Simon, Santo Tomas, Apalit, Minalin), Aurora
• at ang hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real) kasama angPolillo Islands
Ang bagyong Gener at Habagat na pinalakas pa lalo ng isa pang bagyong si Pulasan ay magbibigay ng malakas na pag-ulan sa buong bansa.
Ngayong Setyembre 17, uulanin ng husto ang Batanes, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Mindanao.
Sa Setyembre 18 naman, uulanin ang Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Mindanao.
Pagdating ng Huwebes, Setyember 19, uulanin naman ang Isabela, Aurora, Pagasinan, Zambales, Bataan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Caraga.
Babagsak sa lupa si Gener ngayong Martes ng umaga at maaaring lumabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Huwebes. Posibleng dumaan ito sa kalupaan ng mainland Luzon .
Samantala, sa labas ng PAR, isa pang bagyong may international name na "Pulasan" ang inaasahang papasok ng PAR ngayong araw na ito at agad ding lalabas ng bansa sa Miyerkules. Kapag pumasok sa PAR, bibigyan ito ng pangalang Helen.
Hindi nito direktang maaapektuhan ang anumang bahagi ng bansa subalit palalakasin nito ang Habagat.
Dalawang Bagyo at Habagat, Pauulanin ang Pilipinas Hanggang Huwebes | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: