Dalawang matagumpay na buy-bust operation sa Taguig City noong Agosto 15, 2024 ang naging dahilan para maaresto ang apat katao na matagal nang tinutugaygayan dahil sa ilegal na droga.

Ayon sa tanggapan ni Police Major General Jose Melencio Nartatez, Jr. ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang unang operasyon ay isinagawa sa Barangay Palingon Tipas, Taguig City ng alas 10:15 ng umaga kung saan nakumpiska ang 33.08 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P224, 944.00.

Nahulihan din ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police ang mga suspek na sina John Medina Jr., 47 taong gulang, at Reynaldo Llanto, 53 taong gulang ng isang kalibre .45 Llama Max-1 pistol, isang magazine at mga bala sa operasyong isinagawa sa Sanga Street, Purok 6, Barangay Palingon Tipas, Taguig City.

News Image #1

(Larawan ng SPD)

Nabawi rin ng mha otoridad ang kanilang ginamit na perang pambayad sa kunwaring pagbili ng droga sa mga suspek.

Una rito ay naaresto naman ang dalawang kababaihan sa Barangay Rizal, Taguig City na may dalang 450 grami ng shabu na tinatayang nasa P3, 060, 000.00 ang halaga.

Bandang ala 1:15 ng madaling araw noong Agosto 15, 2024, nang magsagawa ng buy-bust operation ang District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Southern Police District (SPD) kung saan naaresto sina Arianne Tejada, 37 taong gulang, at ang kasama nitong si Jhoanna May Caparanga, 19 taong gulang.

Ang dalawa ay dati na ring naaresto dahil sa ipinagbabawal na gamot.

Sinabi ni Nartatez na ang tagumpay ng dalawang operasyon ay bunga ng pagtutulungan ng iba't ibang unit ng SPD, kasama dito ang District Intelligence Division (DID), District Special Operations Unit (DSOU), District Mobile Force Battalion (DMFB), Philippine Drug Enforcement Agency-Southern District Office (PDEA-SDO), at ang Sub-Station 10 ng Taguig City Police Station.

"The swift actions of NCRPO operatives serve as a testament to their commitment to eradicating illegal drugs and ensuring the safety and security of communities across Metro Manila. "Every successful operation is a step closer to our goal of making Metro Manila a drug-free region. We are not just removing drugs from the streets; we are also ensuring that those who peddle this illegal substance face the full force of the law," ang pahayag ni Nartatez.

Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Sina Medina at Llanto ay may dagdag na kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).