Naipatapon na pabalik sa South Korea ang dalawang Koreanong wanted sa kanilang bansa makaraang makulong sa Bureau of Immigration (BI) Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ng ilang buwan.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ang dalawang South Koreans na sina Kwon Hyuckkeun, 41 taong gulang at You Hyun Tea, 53 taong gulang, ay wanted sa kanilang bansa dahil sa electronic financial fraud.

Isinakay ang dalawang Koreano sa isang Korean Air flight patungong Incheon, South Korea noong Agosto 21, 2024, at ibinigay sa pangangalaga ng mga otoridad sa Korea.

"Our counterparts in Seoul were informed about their impending arrival there. Korean policemen apprehended them upon their arrival," ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

Ang dalawa ay may order of deportation na noon pa lamang 2021 dahil sa kanilang pagiging undesirable aliens at pagtakas sa batas.

Napag-alaman na si You ay may mga kasabwat para mag-operate ng isang ilegal na sports gambling site online. Nagawa rin nilang makakuha ng pera sa kanilang mga biktima kapalit ng pangakong 30% kita subalit tinangay na nila ang 100 milyong won ng mga ito o nasa US$82,000.

Si Kwon naman ay nag-operate umano ng isang call center na nagsasagawa ng voice phishing upang lokohin din ang mga biktima sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang debit cards sa suspek na nangako sa kanilang kikita ang kanilang pera sa pautang.

Ang dalawa ay naaresto ng BI sa magkahiwalay na operasyon nitong Mayo at Hunyo ng taong ito.