Personal na naranasan ng dating aktres at ngayon ay caregiver sa California, USA, na si Klaudia Koronell ang nakakagimbal na wildfire sa Greater Los Angeles Area.



Inilikas ni Koronell ang kanyang inaalagang matanda na edad 75 na mula sa sunog na kumalat sa Palisades.

"Masusunog na po ang bahay namin. God napakabilis. Relax pa ako kanina kasi sa isip ko malayo naman Palisades fire. Tapos biglang natanaw ko may apoy na sa likod bahay at naka-receive ako ng alert na lumikas na kami," ang post ni Koronell sa kanyang Facebook account.

News Image #1

(Larawan mula sa Facebook Page ni Klaudia Koronell)

Ipinakita ni Koronell ang bahay na kanilang tinutuluyan at ang kumakalat na apoy sa kanilang likuran. Aniya, nagtungo siya sa bahay ng kanyang inaalagaan para simulan ang kanyang night shift sa trabaho nang biglang makatanggap sila ng evacuation alert sa kanilang telepono.

News Image #2

(Larawan mula sa Facebook Account ni Klaudia Koronell)

Sinabi ni Koronell na nang pumasok siya sa bahay ng kanyang inaalagaan, nanonood lamang ito ng telebisyon at walang kaalam alam sa mga nangyayari. May dementia ang kanyang inaalagaang matanda. Aniya, hinila niya ito agad at isinakay sa kanyang sasakyan. Wala silang nadalang anumang gamit.

Mag-isa lamang ang matanda sa bahay at mga caregivers lamang ang kasama nito. Si Koronell at ang matandang babae ay naka-book ngayon sa hotel sa pamamagitan ng pamilya ng matandang babae.

Samantala, nagpalabas ng advisory ang Philippine Consulate General sa Los Angeles sa Filipino community sa lugar na laging maghanda at sumunod sa kautusan para sa evacuation.

Kabilang sa mga lugar sa Los Angeles County na apektado ng sunog ay ang Palisades, Eaton, Hurst, Woodley, Riverside County (Tyler Fire) at Ventura County (Olivas Fire).

Sa pinakahuling ulat. 16 na ang nasasawi sa naturang mga sunog at libu libong ektarya at mga kabahayan at gusali na ang nasunog.