Ibinasura ng Sandiganbayan ang graft at falsification na kaso laban kay dating Vice President Jejomar Binay, at sa anak nitong si dating Makati Mayor Jejomar Erwin Binay Jr., at iba pa kaugnay ng pagpapatayo ng mahigit sa P1.3 bilyong Makati Science High School Building mula 2007 hanggang 2013.
Sa isang 86 na pahinang resolusyon na inilabas noong Disyembre 2024, pinawalang-sala ang mag-amang Binay sa 13 pormal na akusasyon sa kasong graft at falsification na iniharap laban sa mga ito.
Ipinag-utos din ng korte na ibalik ang kanilang ibinayad na piyansa at inalis din ang hold departure order laban sa mag-amang Binay.
"[T]he prosecution's evidence utterly failed to prove all of the charges. The presumption of innocence in favor of an accused in a criminal case is a basic constitutional guarantee," ang nakasaad sa desisyon ng korte.
Taong 2018 nang kasuhan ng Ombudsman ang dating Pangalawang Pangulo at anak nitong dating alkalde dahil sa diumano ay maanomalyang proseso ng pagpapatayo sa Makati Science Building sa Barangay Cembo na dati ay Makati at ngayon ay Taguig City na.
Sinasabing nagkaroon ng iregularidad sa pagkuha ng architectural at engineering services para sa Makati Science High School sa halagang P17.4 milyon at gayundin sa procurement ng construction services na nagkakahalaga naman ng P1.3 bilyon.
Sa hatol ng Sandiganbayan, hindi nito pinaniwalaan ang testimonya ng mga saksi dahil walang personal na kaalaman ang mga ito sa kaso at nanghuhula lamang kaugnay ng naganap sa pagkuha ng mga serbisyo.
Sinabi rin ng Sandiganbayan na si dating Senador Antonio Trillanes IV ay hindi maikokonsiderang sakso dahil siya ay dumadalo bilang senador sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng isyung ito.
"All the purported key witnesses for the prosecution had a critical flaw: they lacked direct, first-hand knowledge of the truth regarding the charges against all of the accused and as such, their testimonies hold no probative value and deserve scant consideration from this Court," dagdag pa ng korte.
Sinabi rin ng Sandiganbayan na nabigo ang prosekusyon na patunayang umakto ang mag-amang Binay na masama ang intensyon o nagwalang-bahala.
"It was incumbent upon the prosecution to prove the existence of malicious intent on the part of Binay Sr. and Binay Jr. when they affixed their signatures on the BAC resolutions," saad pa ng Sandiganbayan. "The records, however, are bereft of any proof which would show that the accused knew of the alleged falsified supporting documents or sham public bidding at the time he signed the documents."
(Mga larawan ni Marou Sarne)
Dating Vice President Jojo Binay at Dating Makati Mayor Junjun Binay, Napawalang-Sala Kaugnay ng Kaso sa Pagpapatayo ng Gusali ng Makati Science High School | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: