Kung wala pa ring plastic cards para sa lisensiya sa pagmamaneho, mayroong electronic driver's license o eDL na inilabas ang Land Transportation Office (LTO) sa pamamagitan ng Land Transportation Management Systems (LTMS) portal.

News Image #1


Sa pamamagitan ng mobile phone, tablet o laptop na may data na dala ng nagmamaneho, maaaring makita ang eDL anumang oras na kailangan ito.

Ang kinuhanang larawan o screenshot ng eDL ay hindi tatanggapin kapag hiningi ito ng traffic enforcer o sinumang nangangailangan. Kailangang i-access ito ng personal sa portal ng LTO sa https://portal.lto.gov.ph

News Image #2


Tiniyak ng LTO na balido, secure at mahusay na alternatibong paraan ng otorisasyon ng taong nagmamaneho ang eDL.

Sinabi pa ng LTO na pareho lamang ang probilehiyo at responsibilidad na ibibigay sa mga may hawak ng pisikal na driver's license at eDL, batay sa LTO Memorandum Circular No. HAV-2023-2410. Kabilang dito ang mga may kinalaman sa paglabag sa batas trapiko at paggawad ng multa sa naging paglabag.

Ayon sa LTO, bago pa man nagkaroon ng kakulangan sa paggawa ng plastic card na driver's license, nasa proseso na ng implementasyon ang eDL. Ang mga motoristang may hawak na paper license ay maaaring gamitin ang eDL habang naghihintay sa kanilang pisikal na driver's license plastic card.

Ang mga drayber lamang na may balidong driver's license ang may eDL sa LTMS portal. Maaari itong ma-activate sa pamamagitan lamang ng pag-log-in.

Sa mga wala pang account sa LTO portal, maaaring magrehistro ng account sa pamamagitan ng pagtungo sa https://portal.lto.gov.ph.

Mag -log in sa pamamagitan ng email o client ID at password. I-click ang "Digital ID" icon sa homepage at makikita na ang eDL. Nandoon ang harap at likod ng eDL, at mayroon ding QR code sa kanang bahagi kung saan naroon ang lahat ng impormasyon ng motorista at ang pagiging authentic ng eDL kapag iniscan.

Dahil sa implementasyon ng eDL, maaari nang magmaneho nang hindi dala ang pisikal na driver's license. Gayunman, nagpapalabas na rin muli ang LTO ng mga plastic driver's license.

(Screenshots mula sa LTMS / LTO Portal)