Idineklara na ng Malakanyang na isang special non-working day ang araw pagkatapos ng Pasko, Disyembre 26, 2023, Martes.
Ang deklarasyon na isinagawa sa pamamagitan ng Proclamation Number 425 at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Disyembre 12, ay magbibigay ng pagkakataon sa mga pamilyang Pilipino na magsama-sama ng matagal sa Kapaskuhan.
Regular holiday ang Pasko, Disyembre 25, Lunes, at karamihan sa mga manggagawa ay walang pasok ng Sabado at Linggo kung kaya't magiging mahaba ang weekend sa Kapaskuhan.
"The declaration of 26 December 2023, Tuesday, as an additional special (non-working) day will give the people the full opportunity to celebrate the holiday with their families and loved ones. A longer weekend will encourage families to get together and strengthen their relationship leading to a better society," ang nakasaad sa proklamasyon.
Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), kapag ang empleyado ay hindi pumasok sa special non-working holiday, hindi ito babayaran ng kumpanya, hindi katulad ng regular holiday (Disyembre 25) na bayad ang empleyado kahit hindi ito pumasok sa trabaho.
Ito ay maliban na lamang kung ang pribadong kumpanya ay may polisiya o nakagawian o collective bargaining agreement na nagbibigay ng bayad sa empleyado kapag special non-working day.
Kapag naman nagtrabaho ang manggagawa sa special non-working day, sa unang walong oras nito ay makakatanggap ng dagdag na 30% sa arawang sahod nito.
Kapag naman nag-overtime sa isang special non-working day, dadagdagan pa ng 30% sa bawat oras ang empleyado.
Sa mga empleyadong nagkataong rest day ang special non-working day at pinagtrabaho pa rin ng management, magbabayad ang employer ng dagdag na 50% sa kanilang sahod sa unang 8 oras.
Ang overtime work naman nila ay babayaran ng dagdag na 30% ang bawat oras na ipinagtrabaho.
(Photo of Memorandum Order from Malacanang)
Disyembre 26, Idineklarang Special Non-Working Day ng Malakanyang | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: