Magtutulungan ang Department of Energy (DOE) at ang Department of Science and Technology (DOST) para sa pagsasaliksik at pag-develop ng renewable energy o ang enerhiya mula sa araw, tubig o hydroelectric, hangin at geothermal o ang init na nagmumula sa ilalim ng lupa.
Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang dalawang kagawaran sa Taguig City upang maisulong pa ang renewable energy sa Pilipinas. Gagamitin ng mga kagawaran ang pondo ng Renewable Energy Trust Fund (RETF) na may mandato sa ilalim ng Section 28 ng Republic Act No. 9513 o ang Renewable Energy Act 2008.
Ang DOE at DOST, sa pamamagitan ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (PCIEERD), ay magtutulungan sa mga proyekto ng pagsasaliksik sa episyente, mas makakamenos at mas mahusay na teknolohiya para sa renewable energy. Kabilang dito ang araw, hangin, tubig, geothermal energy at iba pang bagong teknolohiya.
Kasama rin sa popondohan ang demonstrasyon at promosyon ng renewable energy systems para sa power at non-power applications ng mga kwalipikadong research and development institutions na may kinalaman sa pag-aaral sa renewable energy.
Ang MOA ay nilagdaan nina Energy Secretary Raphael P.M. Lotilla at DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. "By joining forces with the DOST, we aim to leverage our collective strengths and resources to drive innovation and overcome technical, economic, and policy challenges to facilitate the widespread adoption of RE technologies," ayon kay Lotilla.
Inaanyayahan din ng DOE at DOST ang mga stakeholders mula sa pampubliko at pribadong sektor, sa academia at civil society na makipagtulungan sa partnership na ito upang mas magamit ng bansa ang renewable energy.
(Larawan mula sa Department of Energy)
DOE at DOST, Magtutulungan sa Pagsasaliksik at Pagsusulong ng Renewable Energy | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: