Personal na pupuntahan ng mga doktor ng Taguig City ang mga bedridden na pasyente sa mga EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays.
Mayroon ding doctor on call kapag may emergency at kailangang mapuntahan ng manggagamot at ambulansya.
Ang Home Health ay isang libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga pasyenteng hindi na makabangon sa kanilang higaan, at puwedeng makakuha ng serbisyo rito tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon, maliban na lamang kung holiday.
(Art Card ng Taguig PIO)
Magtutungo ang medical team sa bahay ng pasyente para sa konsultasyon, eksaminasyon at iba pang pangangailangan ng pasyente.
Kailangan lamang na tumawag sa (0961) 704 4701 para sa pagpapa-iskedyul ng pagbisita sa bahay ng pasyente.
Samantala, ang Doctor on Call naman ay isang serbisyong maaaring makuha 27/7 dahil tumutugon ito sa mga emergency medical situations.
(Larawan ng Barangay Upper Bicutan)
Mayroon itong ambulansya na may doktor at nurses na maaaring pumunta sa lugar kung saan kailangan ng dagliang medikal na pagtugon.
Maaari namang tumawag sa (0919) 079 9112 para sa Doctor on Call.
Bukas din ang health centers ng Taguig City para sa mga taga-EMBO na nawalan ng bisa ang yellow health card at isinara ang health centers ng kanilang mga barangay sa kautusan ng Makati City dahil wala na sila sa hurisdiksyon ng naturang lungsod.
Gayunman, nag-alok ngayon ang Makati sa mga residente ng EMBO barangays na puwede pa rin silang magpatingin ng libre sa mga health centers ng Makati na nasa Distrito 1 at sa nalalabing nasasakupan nito sa Distrito 2 tuwing Lunes at Biyernes, alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.
Mayroon din silang primary care center sa Palanan na 24/7 na nakabukas na maaari ring puntahan ng mga taga-EMBO.
Maaaring tawagan ang mga health centers na nasa link na ito bit.ly/MHD_HC_contact , ayon sa Makati City government.
Una rito ay tinuligsa ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang pagsasara ng health centers at lying-in clinics ng Makati sa EMBO barangays at sinabing hindi isyu ng pagmamay-ari ang nakasalalay kung hindi ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan ng EMBO.
Kabilang sa mga EMBO barangays na apektado ngayon sa isyu ng paglilipat ng hurisdiksyon at ang Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, South Cembo, at West Rembo.
(Photos by Taguig PIO)
Doktor ang Personal na Pupunta sa Pasyente sa Taguig at EMBO Barangays kung Bedridden o May Emergency | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: