Isa ang Department of Science and Technology (DOST) sa mga ahensiya ng pamahalaan na nakatanggap ng bomb threat noong Lunes, Pebrero 12, na tatargetin sana ang isa sa mga pasilidad nito sa Bicutan, Taguig City.

Isang email ang natanggap ng DOST na nagsabing pasasabugin ang kanilang tanggapan sa Taguig City.

Ito naman ay kasunod ng bomb threat din na natanggap ng Department of Environment and Natural Resources-Central Office (DENR-Central Office) at ang Department of Education (DepEd) sa Bataan.

News Image #1


Wala namang natagpuang bomba sa tatlong pasilidad subalit nagdulot ito ng pagkabalam ng trabaho makaraang palabasin ang mga empleyado sa kanilang opisina.

Inatasan na ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pangyayari, katulong ang Japan police attaché at iba pang may kinalamang ahensiya ng pagpapatupad ng batas.

Ang nagpadala ng bomb threat sa email ay isang Takahiro Karasawa, ang katulad na Japanese handle na ginamit ng mga nagbanta rin ng pambobomba sa MRT-3 noong Setyembre 2023.

Sinabi ng NBI na ang pangalang Karasawa ay may kinalaman din sa mga banta ng pambobomba sa iba't ibang bansa.

Ang bantang pambobomba ay nangyari rin sa Kamara de Representantes, sa Batasang Pambansa complex, noong isang linggo.

(Screenshot mula sa video ng PNP-EOD K9 Group)